
Ang riot ng kabataan sa Sampaloc, Maynila noong hapon ng July 15 ay nauwi sa pagkaka-aresto ng 3 lalaki at pagkakasagip sa 3 menor de edad. Sa CCTV footage sa Lacson Avenue, Barangay 411, makikita ang grupo ng kabataan na nagtakbuhan at nagbatuhan habang may dalang pamalo at payong bilang panangga.
Ayon kay kagawad Anton Salvador, tinatayang 20 kabataan ang sangkot sa gulo. Aniya, agad nila itong pinuntahan, pero umalis agad ang ilang kabataan at sa Lacson Avenue na natuloy ang away o riot.
Hindi ito unang beses na nangyari. Sabi ni Salvador, parang ginagawang "labanan" ang kanilang barangay. Apektado rin ang mga dumadaan sa lugar. May ilang sasakyan at motorista na natamaan ng mga bote pero wala namang nasaktan.
Sa live update ni Mayor Isko Moreno, kinumpirma niya ang pagkaka-huli sa 6 na sangkot, kabilang ang 3 menor de edad. Ang mga bata ay ibinalik sa kanilang magulang habang ang tatlong lalaki na edad 20, 21, at 28 ay nasa custody ng Manila Police at sinampahan ng kasong alarm and scandal.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga pulis kung sino pa ang ibang kabataang sangkot sa riot. Isa sa mga nahuling suspek ay residente ng Barangay 409, ayon kay kagawad Kevin Batac.