
Ang First Lady na si Liza Marcos ay hindi sasama sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Washington, USA mula Hulyo 20 hanggang 22, ayon sa Malacañang. Kinumpirma ito ni Presidential Communications Usec. Claire Castro sa isang panayam sa radyo ngunit hindi na nagbigay ng karagdagang detalye.
Hindi ito ang unang pagkakataon na hindi sumama si First Lady Marcos sa isang US trip. Noong nakaraang taon, hindi rin siya present sa trilateral meeting sa pagitan nina US President Biden, Japanese PM Kishida, at Pangulong Marcos.
Ngunit ngayon, lalong uminit ang usapan dahil ini-uugnay si Liza Marcos sa pagkamatay ni Rustan’s executive Paolo Tantoco sa Beverly Hills nitong Marso. Mariing itinanggi ito ng Malacañang at sinabing peke ang kumakalat na ulat ng pulisya na nagsasabing sangkot ang Unang Ginang.
Kahit ipinagtanggol siya ng ilang opisyal, nanawagan si Senador Imee Marcos ng malinaw na ulat tungkol sa nangyari, lalo na't may mga haka-hakang present daw ang Unang Ginang malapit sa oras ng insidente. Si Tantoco ay kabilang umano sa grupo ng MIFF delegation kasama ang Unang Ginang mula Marso 4 hanggang 7.
Samantala, naghain din ng panukalang batas si Sen. Imee Marcos na pinangalanang “President Rodrigo R. Duterte Bill” para protektahan ang mga Pilipino laban sa di-awtorisadong pagkuha o paglipat sa labas ng bansa, kasunod ng pagkaka-aresto kay dating Pangulong Duterte sa bisa ng ICC warrant.