
Ang sikat na folk/pop band na Ben&Ben at balladeer na si Moira ay nagsanib-puwersa para sa bagong version ng kantang “I’m Okay”, na unang lumabas sa 2024 album ni Moira. Inanunsyo nila ito noong June 30 sa kani-kanilang social media, at inilabas ngayong Hulyo 4, 2025.
Ito na ang ikalawang collab single ni Moira ngayong araw. Nakipagtambal din siya kay Sam Concepcion para sa bagong awiting “Mapasakin Ka.” Parehong inaabangan ng fans ang mga kantang ito, lalo na sa dami ng emosyon at galing na dala ng mga artist.
Samantala, naghahanda na rin ang Ben&Ben para sa muling pagbabalik ng The Traveller Across Dimensions Tour matapos ang aksidente na kinaharap ng kanilang drummer na si Jam Villanueva. Sa kanilang pahayag, sinabi ng banda:
“Marami na kaming pinagdaanan bilang banda at bilang tao, pero alam naming marami pa kaming dapat matutunan. Sa mga pagsubok na dumarating, mas naiintindihan namin kung gaano kahalaga ang pagkakaisa at katatagan.”
Nagbigay-inspirasyon ang kanilang mensahe sa fans na patuloy na sumusubaybay sa kanilang journey bilang grupo. Sa kabila ng lahat, patuloy nilang pinapakita ang dedikasyon sa kanilang musika at sa isa’t isa.
Sa bagong collab na ito, pinagsama ang malamig na tinig ni Moira at ang instrumental at harmonya ng Ben&Ben, kaya’t siguradong tatatak ito sa damdamin ng marami.