
Ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay naglabas ng draft circular na naglalayong higpitan ang online gambling payments sa mga digital platforms. Kailangan ngayon ng mga bangko, e-wallets, at payment service providers (PSPs) na magpatupad ng mas mahigpit na seguridad bago payagan ang transaksyon para sa online sugal.
Ayon sa draft, kailangang gumawa ng hiwalay na “online gambling transaction account” (OGTA) para sa bawat kwalipikadong user. Limitado ang puwedeng ilipat na pera sa account na ito hanggang 20% ng average daily balance ng user. Bukod dito, anim na oras lang bawat araw ang paggamit ng OGTA, at kung sobra ang gamit, magkakaroon ng 24 oras na “cooling-off” period.
Hindi rin papayagan ang mga pautang sa parehong app kapag naka-activate na ang OGTA. Biometric verification gamit ang mukha ang isa sa mga kailangan bago ma-access ang serbisyo. May option din ang user na magtakda ng sariling limit sa oras at perang maaaring ilipat.
Ipinagbabawal din sa mga empleyado ng mga financial institutions na sumali sa online gambling para mapanatili ang tiwala ng publiko. Ang mga operator ng sugalan online ay dapat kumpletong lisensyado, may malinaw na may-ari, at sumusunod sa anti-money laundering rules bago makipagpartner sa mga bangko.
Kapag tuluyang pinatupad, magiging epektibo ang bagong patakaran 15 araw matapos mailathala, at may 6 na buwan ang mga PSPs para sumunod sa mga panuntunan o maharap sa suspensyon at multang hanggang P1 milyon bawat paglabag.




