
Ang mga eksperto sa edukasyon ay nananawagan sa gobyerno na ayusin muna ang basic education bago isulong ang panukalang tatlong taong kolehiyo. Ayon sa Coordinating Council of Private Educational Associations o Cocopea, hindi magiging handa ang mga estudyante sa trabaho kung paiikliin ang college education.
Ipinahayag ni Joseph Noel Estrada, legal counsel ng Cocopea, sa isang panayam sa dzBB na nagulat ang mga miyembro ng kanilang samahan sa biglaang panukala. Aniya, ang problema ay nakatuon pa sa Senior High School (SHS) at K-12, kaya nakakagulat na may panibagong ideya na naman.
“Hindi pa nga handa ang SHS graduates sa kolehiyo, paano pa kung babawasan ang taon sa college?” ayon kay Estrada. Dagdag pa niya, kailangan munang pag-aralan ang panukala bago ito ipatupad.
Giit ni Estrada, dapat munang rebisahin ang curriculum ng SHS bago isama ang mga general education subjects na karaniwang tinuturo sa kolehiyo.
Ang panukala ay mula kay Senador Sherwin Gatchalian, kung saan ililipat ang ilang general education subjects sa SHS para gawing 3 taon na lang ang college. Ngunit para sa Cocopea, hindi pa ito ang tamang panahon para sa pagbabago.