Ang isang motorista ay nagulat nang biglang may lalaking tumawid habang binabaybay niya ang southbound lane ng South Luzon Expressway (SLEX) sa Calamba City. Ayon kay Joseph Dela Rosa, ang nag-upload ng video, pasado ala-una ng madaling araw nang makita niya ang lalaking nakasuot ng berdeng damit na mabilis na tumatawid sa expressway.
Bahagyang naiwasan ng driver ang lalaki matapos niyang kabigin ang utility van pakaliwa, pero nasabitan pa rin ito ng side mirror kaya nabasag ito. Nagpagewang-gewang ang sasakyan pero agad niya itong naipark sa gilid ng kalsada.
Nang balikan ni Dela Rosa, nakatayo na ang lalaki at himalang wala kahit anong sugat. Napag-alaman na hindi siya empleyado ng SLEX kundi isang mangangalakal na nangongolekta ng bakal sa mga construction site sa expressway.
Nasa kustodiya na ng mga SLEX patroller ang 30-anyos na lalaki at kakasuhan siya dahil sa insidente.
Nagpasalamat si Dela Rosa na wala siyang nadisgrasya. Hiling ng ibang motorista na higpitan ang bantay sa SLEX dahil hindi ito ang unang beses na may tumawid na mangangalakal sa kalsada.