
Ang Iran ay nagbanta sa mga base militar ng US sa Gitnang Silangan matapos ang matinding airstrike na ayon sa Amerika, ay sumira sa nuclear program ng Iran. Habang patuloy ang palitan ng mga pag-atake sa pagitan ng Iran at Israel, naglabas ang US ng babala para sa lahat ng mamamayan nito sa ibang bansa.
Sinabi ni Ali Akbar Velayati, tagapayo ng lider ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei, na mga base ng US ay magiging lehitimong target kung ginamit para umatake sa Iran. Ayon sa kanya, "Ang sinumang bansa na magpapagamit sa US para umatake sa Iran ay ituturing naming kalaban."
Tumaas ng higit 4% ang presyo ng langis sa Asya, senyales ng takot sa posibleng paglala ng gulo sa rehiyon. Si Pangulong Donald Trump ay umapela sa Iran na tapusin na ang kaguluhan matapos ang biglaang pag-atake sa mga nuclear facilities sa Fordo, Isfahan, at Natanz. Ipinagmalaki ni Trump sa social media na "nasira ang plano ng Iran na gumawa ng bomba."
Ayon sa US Defense Secretary Pete Hegseth, ang operasyon ay hindi tumarget sa mga sundalo o mamamayan ng Iran, kundi sa mismong nuclear sites lang. Dagdag pa ni General Dan Caine, bagamat maaga pa para sa final assessment, ay lumalabas na ang mga site ay matinding nasira.
Sinabi naman ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na magpapatuloy ang military strikes ng Israel hangga’t hindi tuluyang nasisira ang nuclear at missile capabilities ng Iran.