Ang isang tricycle driver ay posibleng mawalan ng lisensiya matapos niyang payagan ang isang 16-anyos na binatilyo na sumabit sa likod ng kanyang tricycle habang walang suot na salawal. Ayon sa Land Transportation Office (LTO), nakatakda ang hearing ng driver sa Hunyo 25, 10 a.m.
Sabi ni Atty. Greg Pua Jr., executive director ng LTO, hindi katanggap-tanggap na pinayagan ng driver ang hubad na binatilyo sa isang mahaba-habang biyahe. Hindi raw puwedeng sabihing hindi ito nakita ng driver dahil katabi lang niya ang binatilyo.
May posibilidad na bawiin ang lisensiya ng driver kung mapatunayang hindi siya responsable sa kanyang tungkulin bilang pampublikong driver. Kalat na ang video sa social media kung saan makikita ang binatilyong sumasayaw at nakahubo habang nakasabit sa tricycle sa Sumulong Highway, Antipolo.
Nahanap na ng mga pulis ang driver at ang binatilyo. Ayon kay PLtCol. Mark Henry Garcia, trip lang daw ng binatilyo ang ginawa niya. Hindi naman ito lasing o naka-droga base sa kanilang imbestigasyon.
Kasama na ngayon ng DSWD ang menor de edad, habang iniimbestigahan pa kung may pananagutan ang driver. Maaaring maharap ito sa kasong grave scandal.