
Ang pelikulang "Sunshine" na pinagbibidahan ni Maris Racal ay muling sasabak sa isang international film festival. Kasama ito sa 2025 Taipei Film Festival, at inaasahang makakaantig sa mga manonood sa Taiwan.
Maagang umalis si Maris papuntang Taiwan ngayong Biyernes. Ayon sa aktres, excited siya sa mainit na pagtanggap sa pelikula. “Masaya ako na kasama na naman kami sa isang festival. Sa ngayon, higit 10 festivals na ang nasalihan ng pelikula. Tatlo pa lang ang napuntahan ko sa mga ito,” pahayag niya bago lumipad.
Bukod sa Taipei, bahagi rin ng 2025 New York Asian Film Festival ang "Sunshine." Samantala, umani na ng mahigit 18 million views ang official trailer nito sa iba’t ibang social media platforms — isang bagay na labis na ikinagulat at ikinatuwa ni Maris. “Grabe, ang daming nanood! Hindi ko inakala na ganito karami ang maaapektuhan kahit isang minuto at 20 seconds lang ang trailer,” sabi ni Maris.
Ibinahagi rin ng aktres ang kanyang naging paghahanda. “Kung sa 'Incognito' ay sundalo ako, dito naman ay isang rhythmic gymnast. Nag-training talaga ako para dito. Halos dalawang taon din ang preparation para sa role.”
Mapapanood ang "Sunshine" simula July 23 sa lahat ng SM Cinemas sa bansa. Tumanggap ito ng R-16 rating mula sa MTRCB.