Ang isang pampasaherong bus ay sumalpok sa ilang concrete barriers sa EDSA southbound, sa bahagi ng Mandaluyong, madaling araw ng Martes, June 10. Ayon sa mga tanod ng Barangay Highway Hills, isang rider ang lumapit at humingi ng tulong matapos makita ang insidente.
Wasak ang kaliwang harapan ng bus, pero sa kabutihang palad ay walang nasaktan sa limang sakay nito. Ayon sa paunang imbestigasyon ng Mandaluyong Traffic Bureau, posibleng mechanical error ang naging dahilan ng pagkabangga.
Hindi na sinampahan ng kaso ang drayber, dahil ang kumpanya ng bus na mismo ang nag-akmang ayusin ang mga nasirang harang. Pasado alas tres ng madaling araw, naalis na ang bus at dinala ito sa traffic bureau para sa karagdagang imbestigasyon.