
Ang boses sa likod ni Abuelita Elena sa pelikulang Coco, si Renée Victor, ay pumanaw sa edad na 86 dahil sa sakit na lymphoma. Nasa piling siya ng kanyang pamilya sa tahanan nila sa Sherman Oaks, California, ayon sa pahayag ng kanyang ahensya.
Kinilala si Renée hindi lang sa kanyang karakter sa Coco, kundi pati na rin sa kanyang malawak na ambag sa mundo ng sining. Bukod sa pagiging bahagi ng Pixar family, lumabas din siya sa sikat na seryeng Weeds at nagbigay-boses sa ilang karakter sa video game na Skyrim: The Elder Scrolls.
Ipinagdiwang ng kanyang mga anak, sina Margo at Raquel Victor, ang alaala ng kanilang ina. Anila, “Renée ay minahal ng marami at patuloy na aalalahanin ng lahat ng nakakakilala sa kanya.”
Nagbigay-pugay din ang Pixar, sinabing 'heartbroken' sila sa pagkawala ni Renée at mananatili siyang isang mahalagang bahagi ng kanilang pamilya.
Isinilang si Renée sa San Antonio, Texas noong Hulyo 25, 1938, at nakilala rin siya sa kanyang galing sa pagsasalita ng iba’t ibang wika. Mahilig siya sa pelikula, tula (lalo na kina Pablo Neruda at Sor Juana), pagluluto para sa pamilya, at paglalakbay.
Paalam, Renée Victor. Maraming salamat sa iyong boses at alaala.