
Ang Pride PH ay opisyal nang nag-anunsyo na gaganapin ang taunang Love Laban Pride Festival sa Hunyo 28, 2025. Wala pang detalye ukol sa oras at eksaktong venue, pero inaasahan na muli itong magaganap sa Quezon City Memorial Circle, gaya ng mga nakaraang taon.
“Mas MATAPANG at mas MASAYANG LABAN para sa LOVE! PUKSAAN NA!” ayon sa masiglang pahayag ng Pride PH sa kanilang social media post.
Bagamat hindi pa nila inilalabas ang mga bagong artist lineup at celebrity guests, inaasahan na ito’y magiging kasing saya ng nakaraang taon kung saan sina Janella Salvador, Nica del Rosario, Cup of Joe, at Sandiwa ang ilan sa mga nag-perform.
Noong 2024, dumalo ang mahigit 200,000 katao at pinuri ng organisasyon ang maayos na pakikibahagi ng komunidad. Isang thanksgiving event din ang isinagawa noong Hunyo 30 bilang pasasalamat.
Layunin ng Pride PH na palakasin pa ang panawagan para sa SOGIE Equality Bill. “LoveLaban tayong muli para ipagpatuloy ang ating nasimulan at isulong ang laban para sa pantay na karapatan,” dagdag nila.