Ang aktor na si John Arcilla ay naglabas ng saloobin sa social media nitong Mayo 12 habang bumoboto sa halalan. Ibinahagi niya ang mga litrato ng sira-sirang lamesa ng estudyante sa loob ng classroom na ginawang waiting area sa kanyang polling precinct.
Tanong ni Arcilla: "Asan ang budget sa edukasyon?" Hindi niya napigilang batikusin ang kalagayan ng paaralan at ang epekto ng maling pamumuno. Hinikayat niya ang publiko na bumoto nang matalino: “Nakaharap na satin ang ebidensiya ng mali nating pagpili.”
Maraming netizens ang sumang-ayon sa aktor. Marami ang na-frustrate sa kalagayan ng classroom at ikinonekta ito sa mga isyu ng korapsyon at kapabayaan ng pamahalaan. “Ang taas ng buwis, pero ganito ang pasilidad sa mga paaralan,” komento ng isa.
May ilang nagsabi rin na hindi na ito bago, at ganito na raw ang mga paaralan noon pa man. “Parang 30 years na walang nagbago,” sabi ng isang botante. May iba ring nagsabing hindi alam ng mga politiko ang tunay na sitwasyon dahil sa tuwing eleksyon lang sila dumadalaw.
Ngayong halalan, humigit-kumulang 68 milyong Pilipino ang inaasahang boboto para sa higit 18,000 posisyon sa buong bansa. Sa mga eksenang tulad nito, muling nananawagan ang marami na ituon ang pondo sa edukasyon, hindi sa ibang bagay.