Ang Land Transportation Office (LTO) ay nagbawi ng lisensiya sa 98 na tsuper ng bus na nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga noong Semana Santa. Ang hakbang na ito ay ayon sa direktiba ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, hindi lamang ang kanilang mga lisensiya ang binawi kundi papatawan din sila ng perpetual disqualification, na nangangahulugang hindi na sila makakakuha ng bagong lisensiya. Sinabi ni Mendoza na ang desisyon ay bahagi ng pagsusumikap na mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista sa kalsada.
Ipinahayag ni Mendoza na ang mga driver’s license ay hindi karapatan, kundi isang pribilehiyo na ibinibigay ng gobyerno sa kondisyon ng pagiging isang responsableng tsuper. Tiniyak din niyang tuloy-tuloy ang kanilang aksyon laban sa mga lumalabag sa batas.
Kamakailan, inihayag din ng LTO ang pagbawi ng lisensiya ng isang bus driver na nasangkot sa isang karambola sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) matapos tumangging magpa-drug test.