Ang kita mula sa gaming industry ay umabot ng P104 bilyon sa unang quarter ng 2025, ayon sa datos mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. o PAGCOR. Tumaas ito ng 27.4% kumpara sa P81.7 bilyon noong nakaraang taon.
Sa unang pagkakataon, ang e-games ang nanguna sa kita, na may halagang P51.39 bilyon o 49.36% ng kabuuang kita. Nalagpasan nito ang kita ng mga licensed casinos na nasa P49.28 bilyon o 47% ng kabuuan.
Ayon kay PAGCOR chairman at CEO Alejandro Tengco, patunay ito na mas pinipili na ng mga tao ang digital at on-demand gaming dahil sa mas madaling access sa mobile technology.
Sinabi rin ni Tengco na bagamat may bahagyang pagbaba sa kita ng mga brick-and-mortar casinos, mahalaga pa rin ito lalo na sa mga lugar na nakatuon sa turismo gaya ng Entertainment City at Clark.
Ang mga casino na pinapatakbo mismo ng PAGCOR ay kumita naman ng P3.45 bilyon, na bumubuo sa 3.31% ng kabuuang gaming revenue.