Ang isang jeep ay sumalpok sa dalawang concrete barriers sa Marcos Highway, Barangay Mayamot, Antipolo City, Rizal noong Sabado ng gabi, past 7 p.m., kaya limang pasahero ang nasugatan. Kwento ng 50-anyos na driver, galing siya ng Cubao papuntang Cogeo nang bigla na lang sumingit ang isang motorsiklo sa unahan niya.
“Nag-apply ako ng brake pero loose brake… kaya binusinahan ko siya para lumayo. Pero nang dumating kami sa U-Turn, iniwasan ko siya hanggang tumama ako sa barrier,” ani ng driver.
Ayon naman kay Nolie Viñas, isang traffic enforcer mula sa Office of Public Safety and Security Antipolo, apat na pasahero ang nagtamo ng minor injuries, habang isang babae ang dinala sa ospital dahil sa sugat sa kanyang kanang binti.
Bukod sa dalawang concrete barriers, apektado rin ang bahagi ng gutter. Inamin ng driver na regular niyang sinusuri ang jeep bago bumiyahe, at handa ang operator nilang sagutin ang mga danyos. Sa ngayon, dinala ang jeep at driver sa Antipolo Police Community Precinct 1, at posibleng maharap siya sa reklamong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injuries and Damage to Property.