
Ang masakit na pangyayari sa NAIA Terminal 1 nitong Linggo ng umaga ay tuluyang bumago sa buhay ni Mark Masongsong—isang ama na naiwan ng kanyang anak na babae matapos ang isang nakakagulantang na car crash.
Ilang minuto bago ang aksidente, mahigpit pang niyakap ni Mark ang kanyang 5-taong gulang na anak at nagpaalam bago siya pumasok sa departure area para bumalik sa trabaho abroad. Pero makalipas lang ang ilang sandali, nakatanggap siya ng tawag—at bumagsak ang mundo niya nang makita ang bangkay ng anak sa labas ng paliparan.
Ayon kay Randy Balog, kamag-anak ng pamilya, matagal nang hindi nakakasama ni Mark ang anak niya. Ngayong tatlong linggong bakasyon lang niya ito tunay na nakasama. “Ngayon pa lang sila nag-bonding, tapos biglang ganito pa ang nangyari,” ani Balog.
Bukod sa batang babae, dalawa ang namatay at tatlo ang sugatan. Kasama sa mga nasaktan ang ina ni Mark na si Editha (61 years old), ang pamangkin na 7 years old, at ang asawa niyang si Cynthia na ngayon ay nasa critical condition at inilipat sa St. Luke’s Medical Center.
Ang SUV na nakabangga sa kanila ay minamaneho ni Leo Gonzales mula sa Brgy. Tayuman, Lobo, Batangas, na kagagaling lang din sa paghahatid ng pasahero sa airport. Ayon sa LTO, sinuspinde ang lisensya ng driver at kailangan din nitong sumailalim sa drug test. Samantala, ipinagpaliban ni Mark ang flight niya para asikasuhin ang burol ng anak at bantayan ang kanyang asawa.