Ang isang jeep ay nawalan ng preno at bumulusok sa bangin sa bahagi ng Quezon National Forest Park road sa Pagbilao, Quezon nitong Sabado ng hapon, May 3, 2025. Tatlong tao ang nasugatan, kabilang ang driver.
Ayon sa pulis ng Pagbilao, ang 59-anyos na negosyanteng driver mula Dalahican, Lucena City ay naipit sa jeep na tumagilid sa tabi ng bangin. Nagtamo siya ng mga sugat sa katawan.
Sa imbestigasyon, bandang alas-4:00 ng hapon, pababa at paliko ang tinatahak ng jeep sa parte ng “bitukang manok” sa zigzag road nang bigla itong mawalan ng preno. Bumangga muna ito sa isang nakahintong van at nahagip din ang dalawang flagman na nag-aasikaso ng daloy ng trapiko.
Tumagilid ang jeep at muntik nang mahulog ng buo sa bangin. Rumesponde agad ang LGU rescue team at ilang bystanders para hugutin ang driver. Dinala ang tatlong sugatan sa Quezon Medical Center, at ngayon ay ligtas na ang kanilang kalagayan.
Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ang zigzag road para sa clearing at rescue operations.