
Ang umano’y pag-aresto sa isang Chinese spy malapit sa Comelec ay lubhang nakakabahala para kay Senadora Risa Hontiveros, lalo na at papalapit na ang eleksyon sa Mayo 2025. Ayon sa kanya, apektado hindi lang ang halalan kundi pati ang seguridad ng bansa.
Arestado ang isang Chinese national na may dala umanong IMSI catcher, isang device na kayang sumagap ng text messages sa paligid. Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng NBI malapit sa tanggapan ng Comelec.
Sabi ni Hontiveros, kung totoo ngang espiya ang nahuli, malaking epekto ito sa relasyon ng Pilipinas at China. Dagdag pa niya, "inaangkin na nga ang West Philippine Sea, pati ba naman halalan natin, pakikialaman pa?"
Nanawagan ang senadora sa gobyerno na maging alerto at siguraduhing hindi maimpluwensyahan ang pulitika at demokrasya ng bansa.
Samantala, Senador Francis Tolentino at Senador Alan Peter Cayetano ay nagpahayag din ng pag-aalala. Ayon kay Tolentino, may record na ng pakikialam ang China sa eleksyon sa ibang bansa gaya ng Canada, Australia at New Zealand. Si Cayetano naman ay nagsabing mas madali nang makialam ngayon gamit ang social media lalo na’t may tensyon pa sa West Philippine Sea.