
Ang aktres at Barangay Captain ng Longos, Malabon na si Angelika Dela Cruz ay nahaharap ngayon sa mabibigat na kaso sa Ombudsman, habang tumatakbo bilang bise-alkalde sa darating na halalan. Isa sa mga reklamo ay ang plunder case na may halaga umanong mahigit P70 million mula sa pondo ng barangay.
Kasama rin sa mga isinampang reklamo laban kay Angelika ang 62 counts ng malversation, 18 counts ng failure to render accounts, at illegal use of public funds. Mayroon ding 64 counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019), kaugnay ng nawawalang gamit, hindi malinaw na gastos, at pag-abuso sa pondo ng barangay.
May mga administrative complaints din laban sa kanya gaya ng diumano’y pagpapabaya sa tungkulin, madalas na pag-absent nang walang leave, at ang hindi awtorisadong pag-turn over ng trabaho sa kapatid niyang si Erick Dela Cruz, na isang barangay kagawad. Kinasuhan din si Erick ng grave misconduct, habang ang barangay treasurer ay may kaso rin ng illegal use of public funds.
Naglabas ng statement si Angelika sa Facebook noong April 28, kung saan sinabi niyang ito ay political harassment. Ani niya, “Grabe talaga ang politics... pag di nila nakuha gusto nila, sisiraan ka tapos kakasuhan ka pa.”
Sa ngayon, mata ng publiko ay nakatutok sa isyu lalo na’t malapit na ang midterm election. Marami ang nag-aabang kung ano ang magiging susunod na hakbang ng aktres sa gitna ng kontrobersya.