
Ang hiling na taas sahod ng mga manggagawa ay kasalukuyang pinag-aaralan ng gobyerno, lalo na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board. Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pinapabayaan ang hinaing ng mga manggagawa at ito ay bibigyan ng tamang pansin.
Sinabi ni PBBM na ang gobyerno ay nakikinig at handang tumugon sa panawagan para sa umento. Gayunpaman, kailangan din aniyang isaalang-alang ang magiging epekto nito sa mga negosyo, trabaho, at sa ekonomiya ng bansa. Mahalaga raw na balansehin ang lahat ng aspeto upang makamit ang tamang desisyon.
Ayon pa sa Pangulo, masarap mang pakinggan ang mga pangako ng taas sahod, pero dapat ito ay base sa tamang pag-aaral. Ipinagmalaki rin niya na 16 na rehiyon na sa Pilipinas ang nakapagpatupad ng salary increase simula pa noong Hunyo ng nakaraang taon.
Bukod sa sahod, ibinahagi rin ng Pangulo ang mga programa ng gobyerno na layuning matulungan ang mga mamamayan, lalo na sa mga pang-araw-araw na gastusin para maibsan ang bigat ng buhay.