Ang pagkamatay ng student-athlete na si Marc Mateo Castillo, 20 years old, ay ikinalungkot ng buong boxing community, mga kaibigan, pamilya, at paaralan. Namatay si Castillo matapos ang huling laban niya sa SCUAA National Games nitong April 26 sa Mambajao, Camiguin.
Kinumpirma ng Occidental Mindoro State College na nagtutulungan na sila kasama ang mga ahensya at ang State Colleges and Universities Athletic Association para maayos ang pag-uwi ng labi ni Castillo. Nagbigay rin sila ng suporta sa pamilya ng atleta para sa dignified na pag-uwi nito.
Lumaban si Castillo para sa Southern Tagalog Region kontra sa isang atleta mula National Capital Region. Nahinto ang laban sa third round at agad siyang binigyan ng medical attention sa venue bago dinala sa Camiguin General Hospital. Sa ngayon, inaantay pa ang final na resulta kung ano talaga ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ayon sa Municipal Health Office ng Mambajao, may mga medical team sa bawat laban. Si Dr. Boel Espinas ang nag-refer kay Castillo sa ospital matapos ang unang lunas sa venue.
Mahigit 4,700 atleta at coach mula sa iba’t ibang state universities and colleges ang sumali sa SCUAA Games. Dahil sa insidenteng ito, mas lalong pinagtutuunang pansin ngayon ang safety protocols sa mga ganitong kompetisyon.