Nagbigay ng pahiwatig ang Porsche tungkol sa pagbabalik ng GT2 RS, ang pinaka-malakas na modelo ng kanilang 911 variant, sa kanilang pinakabagong financial report. Kumpirmado rin nilang maglalabas sila ng bagong gas-powered SUV na posibleng ilabas bago matapos ang dekada.
Sa kanilang ulat, binanggit ng Porsche ang patuloy na pag-develop ng kanilang 911 lineup, kasama ang mga “highly emotive derivatives” at “exciting limited-edition models.” Isa sa mga ito ay ang bagong flagship model na inaasahang magtataas pa ng standards sa sports car segment, na posibleng tumukoy sa pagbabalik ng GT2 o GT2 RS.
Ang huling bersyon ng GT2 RS ay lumabas noong 991.2 generation, na may lakas na 700 hp at 553 lb-ft ng torque mula sa isang twin-turbocharged flat-six engine. Kung magbabalik ito, inaasahang mananatili ang tradisyonal nitong setup — rear-wheel drive, pinalakas na aerodynamics, at performance na pang-racing track. Maaaring lumabas ito sa taong 2026 o 2027.
Bukod sa 911, magpapalawak din ang Porsche ng kanilang SUV lineup. Kumpirmado nilang pinag-aaralan nila ang isang bagong SUV model na magkakaroon ng combustion at hybrid powertrains. Iba ito sa paparating na all-electric Macan, dahil ang bagong modelo ay mananatiling may gas-powered engine. Inaasahan itong ilabas bago matapos ang dekada.