
Isang 5-anyos na kindergarten student ang nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala habang nasa loob ng kanilang silid-aralan sa Datu Piang, Maguindanao Del Sur nitong Miyerkoles ng umaga. Ayon sa ulat ng mga awtoridad, naganap ang insidente pasado alas-8 ng umaga habang kasalukuyang may klase sa isang pampublikong paaralan sa lugar.
Batay sa salaysay ng class adviser, bigla na lamang umanong bumagsak ang bata sa loob ng classroom. Agad niya itong nilapitan at sinuri, kung saan nadiskubre na tinamaan ito ng bala. Isinugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang wala nang buhay dahil sa tinamong tama.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nagkataon ang trahedya kasabay ng napaulat na putukan sa pagitan ng mga armadong grupo sa karatig na barangay. Pinaniniwalaang isa sa mga ligaw na bala mula sa nasabing engkuwentro ang tumama sa bata. Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng bala at mapanagot ang mga responsable sa insidente.




