
Nagkaroon ng tensyon sa isang corporate building sa Bonifacio Global City, Barangay Fort Bonifacio, Taguig City noong Sabado ng gabi, February 7, matapos “i-hold” ng ilang construction worker ang tatlong staff ng Human Resource (HR) department dahil sa naantalang sahod.
Ayon sa barangay, nagsimula ang insidente dakong alas-7:15 ng gabi sa ika-29 na palapag ng gusali, kung saan napigilan ang paglabas ng HR staff habang nagpoprotesta ang mga manggagawa. Nilinaw naman ng barangay na hindi ito maituturing na hostage-taking, kundi isang hindi pagkakaunawaan lamang.
Barangay Kagawad Maricris Palma paliwanag, “Hindi naman po totally hostage kasi po ang HR natin at saka construction workers ay nag-usap doon sa isang kwarto tungkol sa kanilang sahod.” Binanggit din na walang armas tulad ng patalim ang ginamit sa insidente.
Batay sa salaysay ng HR staff, hindi umano nila alam na magkakaroon ng delay sa pagpapasahod ng construction workers. Tumagal ang pag-uusap ng magkabilang panig sa loob ng gusali hanggang alas-10 ng gabi upang maayos ang gusot.
Sa huli, nagkasundo ang HR at mga construction worker. Ipinangako ng kumpanya na maibibigay ang lahat ng naantalang sahod sa Lunes, February 9, bagaman wala pang eksaktong oras na itinakda. Ayon kay Palma, “Nag-settle naman sila, and by Monday ay maibibigay na ang sahod ng ating construction workers.”




