
Nag-alok ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng P1 milyong pabuya para sa impormasyong maghahatid sa agarang pag-aresto sa pangunahing suspek at mga kasabwat sa pagpatay kay Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr., na natagpuang patay sa loob ng isang septic tank sa Malolos City, Bulacan.
Batay sa CCTV footage, huling nakitang buhay si Casauay nang pumasok siya sa isang compound sa Barangay Mojon bago marinig ang sunod-sunod na putok ng baril. Makalipas ang ilang minuto, ilang indibidwal ang namataang lumabas sa lugar, kabilang ang isang taong itinuring ng mga imbestigador bilang primary suspect sa krimen.
Ayon sa pulisya, posibleng may kaugnayan ang krimen sa mga naunang operasyon laban sa ilegal na droga na kinasangkutan ng biktima. Lumalabas sa imbestigasyon na nagdulot umano ng tensyon ang mga operasyong ito, na kalauna’y naging motibo sa karumal-dumal na pagpatay.
Apat na katao na ang naaresto, kabilang ang isang pulis na inakusahan bilang accessory matapos umanong mabigong arestuhin ang pangunahing suspek kahit may kaalaman na siya sa insidente. Dalawa sa mga inaresto ang umamin sa kanilang papel sa paglilinis ng crime scene at pagtatago ng katawan ng biktima.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang ang pagkuha ng cyber warrants, pagsusuri ng karagdagang CCTV, at paghahain ng murder charges laban sa mga suspek na nananatiling at large. Binigyang-diin ng DILG na mahalaga ang bawat buhay ng pulis at hindi palalagpasin ang anumang karahasang ginagawa laban sa kapulisan.




