
Sugatan ang isang babae matapos siyang mabunggo ng ambulansya sa Batasan–San Mateo Road, Quezon City, pasado alas-sais ng umaga noong Enero 26. Ayon sa mga ulat, ang ambulansya ay pagmamay-ari ng barangay at nasa biyahe upang maghatid ng pasyente sa pagamutan nang mangyari ang insidente.
Sa mga kuhang kumalat online, makikita ang sandali ng pagkakahagip habang tumatawid ang biktima. Napag-alaman na nag-counterflow ang ambulansya sa kalsada, dahilan upang hindi agad mapansin ng biktima ang paparating na sasakyan.
Ibinahagi ng biktimang si Princess na pauwi na sana siya mula sa palengke nang mangyari ang aksidente. Aniya, inakala niyang hindi daraan sa kaniyang linya ang ambulansya at nasa blind spot umano siya kaya hindi niya ito nakita. Agad siyang isinakay at isinugod sa pinakamalapit na pagamutan para sa paunang lunas.
Samantala, ipinaliwanag ng drayber na si Manuel Busto Jr. na may emergency siyang tinutugunan matapos ang isang hiwalay na banggaan nang biglang marinig ang malakas na impact sa gilid ng ambulansya. Tiniyak niyang sinagot ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng biktima at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa pamilya nito.
Isasailalim naman ng barangay sa assessment ang drayber upang matiyak ang kakayahang magmaneho ng ambulansya sa mga emergency na sitwasyon. Sa ngayon, wala umanong balak magsampa ng reklamo ang biktima, habang patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa maingat na pagmamaneho at pagtawid para sa kaligtasan ng lahat.




