
Patay sa saksak ang isang asong Pinoy o Aspin matapos kunin ang karne sa isang palengke sa Barangay 154, Caloocan City noong Miyerkules, Enero 7. Ayon sa kuha ng CCTV, makikitang lumapit ang aso sa dilaw na plastic crate at tinangay ang lamang karne nito. Agad namang rumesponde ang isang lalaki na naka-apron sa pwesto, dumampot ng kutsilyo, at sinaksak ang aso.
Bagama’t nakatakbo pa ang duguang aso, nasagip ito ng mga pulis pasado alas-8:00 ng umaga at isinugod sa veterinary hospital. Sa kabila ng agarang lunas, hindi na nakayanan ng aso ang tindi ng sugat at kalaunan ay namatay. Ayon sa City Veterinary Department, sinubukan ng mga doktor na iligtas ito, ngunit hindi na maibalik ang buhay ng hayop dahil sa matinding physical trauma.
Ang insidente ay naireport sa LGU-Caloocan noong Enero 13 at agad nagsagawa ng imbestigasyon. Sa tulong ng CCTV footage, kumpiyansa ang City Vet na matutukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ng amo ng Aspin. Binigyang-diin din ni Dr. Teodoro Rosales, City Veterinarian, na ang gutom at survival instinct ng aso ang dahilan kung bakit kumilos ito para maghanap ng pagkain.
Ayon kay Dr. Rosales, bawal ang pananakit ng hayop batay sa Animal Welfare Act. “Hindi kasalanan ng hayop kung bakit siya naroon sa kalsada. Survival instinct ng aso ‘yan. Maghahanap ‘yan ng pagkain. Hindi dapat saktan ‘yun,” paliwanag niya. Bukod sa pananakit, posibleng managot ang may-ari ng aso sa ilalim ng local ordinance dahil sa pagpapabaya sa alaga.
Tiniyak ng LGU na tututukan ang kaso upang magsilbing aral sa lahat. Nanawagan din sila sa mga residente na sa halip na saktan ang mga aso, i-report na lang sa kanilang tanggapan para ma-rescue. “Kung may nakakagambala na aso sa inyong lugar, tawagan lang po ninyo, ire-rescue po namin. Huwag saktan,” paalala ni Ian Estopa, Administrative Officer 1 ng City Vet. Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa suspek habang patuloy ang koordinasyon sa barangay at pulisya.
