
MANILA – Kinumpiska ng mga awtoridad ang walong luxury vehicles na diumano ay pag-aari ni dating kongresista Zaldy Co sa isang condominium sa Bonifacio Global City (BGC), Barangay Fort Bonifacio, kamakailan. Ang operasyon ay isinagawa gamit ang search warrant sa parking area ng condo.
Kasama sa mga nakumpiskang sasakyan ang Rolls-Royce, tatlong Cadillac Escalades, dalawang Lexus, isang Mercedes-Benz, at isang Toyota Sequoia. Ayon sa mga awtoridad, ang mga sasakyan ay itinago sa mga parking slot na naka-assign sa condominium units.
Ayon kay Rodolfo Azurin, retired general at Special Adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), patuloy na iniimbestigahan kung sino ang tunay na may-ari ng mga sasakyan. “Nakarehistro ito sa kumpanya ni Congressman Zaldy Co, kaya tinitingnan namin ang ownership. Ang violation ay kaugnay sa customs law at unpaid taxes,” ani Azurin.
Sinabi naman ng Taguig City Police na minomonitor nila ang condominium mula pa noong Disyembre matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa mga undi-documented luxury vehicles. Kasama rin sa operasyon ang Bureau of Customs (BOC), Highway Patrol Group (HPG), CIDG, at Southern Police District, na nagpatupad ng search at seguridad.
Ayon sa BOC spokesperson Chris Noel Bendijo, iniimbestigahan ang mga sasakyan sa posibleng unlawful importation dahil sa kawalan ng tamang import documents at hindi nabayarang buwis. Inilipat ang mga sasakyan sa ICI Compound para sa mas ligtas na imbakan habang patuloy ang imbestigasyon sa ownership, customs fraud, at iba pang legal na pananagutan.




