
Ang sunog na umabot sa ikatlong alarma ay sumiklab sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City noong Sabado ng gabi, December 27, kung saan humigit-kumulang 100 tirahan ang tinupok ng apoy.
Ayon sa mga residente, naganap ang insidente bandang alas-sais ng gabi habang karamihan ay naghahapunan. Si Rosalie Dacumos ay nagdasal na lamang matapos biglang mawalan ng kuryente at marinig ang pagdating ng mga bumbero.
Samantala, ikinuwento ni Cristita Dondoyano na nagpapasalamat siyang ligtas na nakalabas ang kanyang pamilya. Para sa kanya, mas mahalaga ang buhay ng pamilya kaysa sa mga gamit na nawala sa sunog.
Nahiranapan ang mga bumbero sa pagresponde dahil sa makikitid na eskinita at kalsada sa lugar. Ayon kay FSUPT. JL Aaron Caro, City Fire Marshal ng Mandaluyong BFP, kinailangang i-evacuate ang karamihan ng residente habang patuloy ang pag-apula ng apoy.
Umabot sa 17 fire trucks ng BFP at 42 volunteer fire trucks ang rumesponde bago ideklarang fire out bandang 9:04 ng gabi. Tinatayang 100 pamilya o 600 indibidwal ang apektado, may pinsalang aabot sa ₱375,000, at tatlong sugatan ang naiulat—dalawang babaeng residente at isang lalaking fire volunteer. Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.




