
Ang dating DPWH Undersecretary Cathy Cabral ay posibleng dumaranas ng insomnia na may kaugnayan sa depresyon o anxiety, ayon sa isang psychiatrist, batay sa mga gamot na narekober sa kanyang hotel room sa Baguio City.
Ayon sa imbentaryo, nakuha ang melatonin, lemborexant (Dayvigo), escitalopram, at quetiapine, pati isang kutsilyo at iba pang personal na gamit. Ipinakita rin ng PNP toxicology report na nagpositibo siya sa citalopram, isang antidepressant.
Sinabi ni Dr. Randy Dellosa na ang kombinasyon ng mga gamot ay karaniwang ginagamit sa sleep disorders at mental health conditions. Ayon sa kanya, ang escitalopram ay para sa depresyon, trauma, o anxiety, habang ang quetiapine ay maaari ring gamitin sa severe insomnia.
Binanggit ni Dellosa na ang pagkakaroon ng maraming sleep aids ay maaaring senyales na mahirap gamutin ang insomnia. Posible ring may duplication ng gamot para sa iisang layunin, indikasyon ng matinding kondisyon.
Nabatid na si Cabral ay umano’y namatay dahil sa suicide sa Kennon Road, Tuba, Benguet, matapos magtamo ng pinsalang tugma sa pagkahulog. Ayon sa mga opisyal, wala pang palatandaan ng foul play, at patuloy ang imbestigasyon.




