
Ang P389M net worth ni President Marcos Jr. at P88M yaman ni VP Sara Duterte ay patuloy na tumaas sa loob ng tatlong taon, ayon sa kanilang SALN mula 2022 hanggang 2024 na nakuha mula sa Office of the Ombudsman.
Sa SALN ni Marcos Jr., kasama ang asawa niyang si Liza Araneta-Marcos, lumobo ang kanilang net worth mula P329.229M noong 2022 patungong P389.357M sa 2024. Malaking bahagi nito ay mula sa real properties, cash on hand, money market investments, at jewelry, motor vehicles at paintings. Patuloy din silang nagdeklara ng zero liabilities.
Tumaas din ang mga ari-arian ng pamilya Marcos dahil sa bagong bahay sa La Union, dagdag na cash, at pagbili ng agricultural lots sa Ilocos Norte. Umabot sa P247.332M ang kabuuang halaga ng kanilang real properties sa 2024.
Para naman kay Sara Duterte, tumaas ang kanyang net worth mula P71.058M noong 2022 patungong P88.512M sa 2024. Karamihan sa kanyang real properties, vehicles, at liabilities ay nakapangalan sa kanyang asawa na si Manases Carpio. Nadagdag ang kanyang yaman dahil sa pagbili ng tatlong residential lots sa Davao City noong 2023 at 2024.
Sa kabila ng personal loans na nasa pangalan ng kanyang asawa, nanatiling mataas ang net worth ng Bise Presidente dahil sa pagdami ng kanyang properties at personal items.




