
Ang 20-anyos na buntis na si Maria Margaret Zamora ay sugatan matapos lamunin ng sinkhole sa kanilang harap sa Barangay Masarawag, Guinobatan, Albay, Miyerkoles ng umaga, Nobyembre 12. May anim na buwang buntis siya nang biglang bumagsak ang lupa sa ilalim ng kanyang paa.
Narinig ng kanyang lola, si Maria Theresa, ang sigaw ng apo at agad lumabas para tumulong. Halos hanggang beywang ang paglubog ng katawan ni Maria Margaret, at paunti-unti itong lumulubog dahil sa malambot na lupa. Tumawag si Lola Theresa ng tulong sa mga kabarangay.
Mahigit 30 minuto ang ginugol bago naiahon si Maria Margaret gamit ang hagdan ng mga sumaklolo. Kasalukuyan siyang nasa ospital at sumailalim sa ultrasound para makita ang kalagayan ng sanggol. May mga sugat din siya sa katawan. Sugatan din ang lola matapos madapa habang nagmamadaling tumulong.
Kwento ni Lola Theresa, noong bagyong Kristine, may dalawang malalaking sinkhole na rin sa likod ng kanilang bahay. Unti-unti ring gumuguho ang pangpang ng ilog sa gilid ng bahay. Binisita na ng MDRRMO at MGB Bicol ang lugar para imbestigahan ang panganib.
Panawagan ni Lola Theresa, mabigyan sila ng relocation site dahil palaging nasa peligro ang Barangay Masarawag dahil sa ragasa ng lahar at mga debris mula sa bulkang Mayon tuwing may bagyo.

