
Ang Sierra Madre, pinakamahabang hanay ng bundok sa Pilipinas, ay nawawalan ng halos 9,000 ektarya ng kagubatan bawat taon, ayon sa Haribon Foundation. Ang bundok na ito ay mahalaga bilang proteksyon laban sa bagyo at natural na imbakan ng carbon, ngunit patuloy itong nasisira dahil sa iba’t ibang proyekto at gawain.
Ayon kay Nova Peñaverde Regalario, conservation officer ng Haribon, malawak na deforestation ang nangyayari sa mga bahagi ng Rizal at Quezon dahil sa mga proyekto tulad ng kalsada, pagmimina, at renewable energy. Kahit may batas na nagpoprotekta sa mahigit 300,000 ektarya sa hilagang bahagi ng Sierra Madre, tuloy pa rin ang illegal logging at kaingin o pagsunog ng lupa para sa sakahan.
Mula 2003 hanggang 2020, umabot na sa 130,000 ektarya ng kagubatan ang nawala, o katumbas ng ₱58 bilyon kung isasalin sa halaga ng mga punongkahoy at likas-yamang nasira.
May mga itinatag na strict protection zones upang hindi mapasukang muli ng mga proyekto, pero sa kabila nito, marami pa rin ang patuloy na operasyon sa mga lugar na dapat ay protektado.
Ayon kay Regalario, kailangang mahigpit na ipatupad ang batas at suportahan ang mga katutubong komunidad na naninirahan sa paligid ng Sierra Madre upang mapigilan ang tuluyang pagkawala ng kagubatan na nagsisilbing kalasag ng Luzon laban sa kalamidad.




