
Ang San Miguel Corporation (SMC) ay nagbigay ng libreng toll para sa mga government vehicles na ginagamit sa relief at recovery operations sa mga lugar na apektado ng Typhoon Uwan. Hakbang ito para masiguro ang mabilis na paggalaw ng mga responder sa Luzon, ayon sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay SMC Chairman at CEO Ramon S. Ang, ang kumpanya ay nakikipag-ugnayan sa Department of Transportation (DOTr) at Toll Regulatory Board (TRB) para maipatupad ang utos ng Pangulo. “Pangunahing layunin namin na makarating agad ang mga responder sa apektadong komunidad,” sabi ni Ang.
Nagdeploy ang SMC ng tollway personnel sa iba't ibang expressway upang gabayan ang mga emergency convoy at siguruhing ligtas at walang sagabal ang kanilang pagdaan. Sakop ng SMC Infrastructure ang higit sa 200 kilometro ng expressways sa Luzon, kabilang ang Skyway System, SLEX, STAR Tollway, TPLEX, at NAIA Expressway.
Bago dumating ang bagyo, nagpadala ang kumpanya ng maintenance crews para inspeksyunin at linisin ang drainage, ayusin ang mga kalsada at billboards, at maghanda ng quick-response teams at heavy equipment sa mga lugar na delikado sa baha. Pinapayuhan ang mga motorista na sundin ang traffic rules at mag-ingat sa masamang panahon.
Sa nakaraang taon ng pandemya, nagbigay rin ang SMC ng higit ₱230 milyon na libreng toll para sa mga medical frontliners sa lahat ng expressways nito.




