Ang dating Senate President Chiz Escudero ay nagsumite na ng kanyang sagot sa Comelec kaugnay ng ₱30 milyon donasyon mula sa isang government contractor, ayon sa kumpirmasyon ng poll body nitong Martes.
Ayon sa abogadong si Ramon Esguerra, malinaw umano ang kanilang posisyon: “Legal at idineklara nang maayos ang donasyon at sumusunod ito sa matagal nang nakasanayang proseso.” Tiwala sila na walang magiging problema sa kanilang panig.
Ang nasabing donasyon ay mula kay Lawrence Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development at pangunahing campaign donor ni Escudero. Nilinaw ni Lubiano na ang pera ay mula sa kanyang personal na pondo at hindi sa mga kontrata ng gobyerno.
Noong isang pagdinig, dumalo rin ang abogado ni Lubiano at nagsumite ng mga dokumento at paliwanag tungkol sa donasyon na ginawa para sa 2022 senatorial campaign ni Escudero.
Batay sa Omnibus Election Code (Article 11), ipinagbabawal ang mga kontribusyon mula sa sinumang may kontrata o sub-kontrata sa pagbibigay ng serbisyo o konstruksyon para sa pamahalaan.