Ang CIDG ay nakahuli ng mahigit ₱15.1 milyon halaga ng smuggled gasolina at sigarilyo sa magkahiwalay na operasyon sa Batangas at Quezon. Arestado ang apat na suspek, kabilang ang isang Chinese national.
Unang operasyon ay naganap bandang 11:50 p.m., Oktubre 6 sa isang gasolinahan sa Barangay Balagtas, Batangas City. Tatlong suspek na sina “Ed,” “Sam,” at “Sid” ang nahuli sa ilegal na pagbebenta ng petrolyo o tinatawag na paihi. Nasamsam ang dalawang fuel tanker na may 40,000 litro ng diesel, unleaded, at premium gasoline na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱9.14 milyon.
Sa Lucena City, Quezon, isang hiwalay na buy-bust operation mula 11:30 p.m. Oktubre 6 hanggang 4:50 a.m. Oktubre 7 ang nagresulta sa pagkaka-aresto ng isang Chinese national na si “Joseph.” Nahuli itong nagbebenta ng smuggled sigarilyo sa isang bodega sa Barangay Mayao Crossing. Nasabat ang 95 master cases ng mga pekeng sigarilyo na tinatayang nasa ₱6.03 milyon ang halaga.
Ang mga suspek ay posibleng humarap sa kaso sa ilalim ng batas laban sa illegal petroleum trading, intellectual property code, tobacco regulation act, at tax violations.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Robert Morico II, ito ay patunay ng kanilang mahigpit na kampanya laban sa ilegal na kalakalan, at nanawagan siya sa publiko na makipagtulungan at magsumbong ng ganitong uri ng aktibidad.