
Ang Nation’s Girl Group BINI ay naglabas ng bagong single na “First Luv”, ang unang sulyap sa kanilang paparating na full album. Ito rin ang kanilang unang Tagalog release mula nang sumikat ang “Salamin, Salamin.”
Ang “First Luv” ay isang masayang kanta tungkol sa unang kilig ng pag-ibig. Mapapakinggan ito sa lahat ng streaming platforms at mapapanood ang music video sa opisyal na YouTube channel ng grupo. Sa ngayon, umabot na sa higit 442,000 views ang music video na tampok sina Esnyr Ranollo, real-life couple na sina Klarisse De Guzman at Trina Rey, at ilang Star Magic freshies.

Ang kanta ay ginawa at pinroduce ni Kajo kasama sina Rosemarie Tan, Kiana Valenciano, SHAN, at dwta. Ang choreography naman ay mula kina Reden Blanquera at Matthew Almodovar.
Inilabas ang “First Luv” bago ang pagbabalik concert ng grupo na “BINIfied” sa Nobyembre 29 sa Philippine Arena. Ang presyo ng ticket ay nagsisimula sa ₱1,000 pataas at mabibili na ngayon.
Kamakailan, gumawa rin ng kasaysayan ang BINI bilang unang Filipino group na napiling mag-perform sa darating na Coachella 2026 kasama ang ilang international artists.