
Ang isang lalaking protester sa Mendiola ay namatay matapos masaksak sa naganap na gulo nitong Linggo, Setyembre 21. Isa pang protester ang sugatan matapos barilin at kasalukuyang nagpapagamot sa ospital.
Dinala ang dalawa sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center. Ang isa ay idineklarang dead on arrival (DOA) dahil sa mga saksak. Wala siyang dalang pagkakakilanlan. Ang isa naman ay nagtamo ng tama ng bala at naoperahan na, at ngayon ay patuloy na binabantayan ng mga doktor.
Ayon sa pulisya, umabot sa 93 pulis ang sugatan habang 113 protesters ang inaresto sa marahas na kilos-protesta. Karamihan sa mga pulis ay nagtamo lang ng minor injuries at nakalabas din agad ng ospital.
Binuksan muli sa mga motorista ang Ayala Bridge nitong Lunes, Setyembre 22. Gayunpaman, nananatili sa lugar ang mga PNP riot police at BFP personnel para magbantay sa posibleng kaguluhan.
Isang sunog na container truck mula sa kaguluhan ang nagsisilbing pansamantalang harang. Pero parehong northbound at southbound ay madaanan pa rin, at nananatiling light to moderate ang daloy ng trapiko.