
Ang Summer I Turned Pretty ay magkakaroon ng movie matapos ang huling episode ng kanilang serye. Kumpirmado na ang pelikula at mismong si Jenny Han, ang sumulat ng sikat na libro, ang gagawa ng script.
Ayon kay Jenny, mas bagay daw sa isang pelikula ang malaking bahagi ng kwento ni Belly. “May isa pang mahalagang yugto sa buhay ni Belly at naniniwala ako na pelikula lang ang makakapagbigay ng tamang wakas dito. Lubos akong nagpapasalamat sa suporta na ibinibigay sa akin para maibahagi ang huling kabanatang ito sa mga fans,” ani niya.
Unang inilabas noong 2022, ang serye ay umiikot sa pag-ibig na tatsulok ng isang dalaga at dalawang magkapatid. Tampok dito ang mga tema ng unang pag-ibig, unang heartbreak, at alaala ng isang espesyal na summer. Bida rito sina Lola Tung, Christopher Briney, at Gavin Casalegno.
Naging malaking tagumpay ang show, na umabot sa 25 milyon na nanood sa unang linggo ng Season 3 noong Hulyo 16. Pinuri rin ng mga producer ang galing ng cast at ng buong creative team na nagbigay-buhay sa istorya.
Para kay Jenny, ang naging epekto ng serye ay higit pa sa kanyang inaasahan. “Nakakatuwang makita kung paano umabot sa milyon ang na-inspire ng kwento, pati na rin ang pagbabalik ng libro sa bestseller list at dami ng reaksyon sa social media. Lubos akong proud at nagpapasalamat na nagawa namin ang tatlong season at ngayon ay isang pelikula bilang huling chapter,” dagdag niya.