Ang isang Korean buffet sa Baguio City ay nanawagan ng respeto matapos mahuli ang isang customer na palihim na naglalagay ng hilaw na karne sa plastic bag habang kumakain.
Ayon sa pahayag ng restaurant, nahuli ang diner na may dalang sariling plastic bag at naglagay ng 722 gramo ng karne na aabot sa halos ₱250. Dagdag pa nila, napansin ng staff na ilang beses nang bumabalik ang customer na ito at madalas may malaking order ng karne na bigla na lamang nawawala sa mesa.
Mas nakakalungkot pa, ayon sa restaurant, ay kasama pa ng customer ang kanyang mga anak habang ginagawa ang ganitong gawain. Dahil dito, muling umapela ang buffet na sana ay magpakita ng responsableng asal at katapatan ang bawat bisita.
Binanggit din ng negosyo na hindi madali ang magpatakbo ng restaurant. Kailangan nilang magtrabaho nang husto upang makapagbigay ng trabaho, masarap na pagkain, at patas na presyo para sa lahat. Kaya naman, umaasa sila na magiging paalala ito na dapat ay may honesty at respeto sa pagitan ng customer at may-ari ng negosyo.