
Mayor ng San Simon, Pampanga, inaresto ng NBI matapos ireklamo ng pangingikil, graft, at ilegal na pagdadala ng baril. Ayon sa NBI Director Jaime Santiago, si Mayor Abundio Punsalan Jr. ay nasa kustodiya pa rin ng NBI sa BuCor detention facility sa Muntinlupa.
Nahuli si Punsalan at ang kasama niyang si Ed Ryan Dimla sa isang restaurant sa Clark Freeport Zone, Angeles City noong Agosto 5 habang tinatanggap ang P30 milyon na marked money mula sa Realsteel Corp. Ang pera ay kapalit umano ng paglalabas ng business permit ng kompanya.
Sinabi ng Realsteel na hinihingian sila ng kabuuang P80 milyon, at tinatakot umano sila na kakanselahin ang kanilang permit at tax incentives kung hindi magbabayad.
Anim na bodyguards ni Punsalan ang naaresto rin at nasamsaman ng baril. Isinailalim sila sa inquest proceedings at dinala sa BuCor facility.
Ikaatlong termino na ni Punsalan bilang alkalde, at apat na beses na siyang nasuspinde mula nang maupo noong 2019.