Ang sikat na City of Dreams Manila ay posibleng maibenta na. Ayon sa ulat, ang may-ari nitong Melco Resorts & Entertainment, pinamumunuan ni Lawrence Ho, ay naghahanap ng mamimili para sa kanilang bahagi sa casino. Posibleng sila'y bahagya o tuluyang umatras mula sa Pilipinas.
Noong Mayo 8, sinabi ng Chief Financial Officer Geoff Davis na may mga interesadong mamimili na nagsimula nang magsumite ng mga dokumento para sa pre-bid process. Kabilang dito ang paglagda sa mga non-disclosure agreements (NDAs).
Noong Pebrero pa lang, binanggit ni Lawrence Ho ang planong gumamit ng light asset strategy—isang hakbang na posibleng humantong sa pag-alis sa merkado ng Pilipinas. Kasunod nito, naglabas sila ng pahayag na nagsasabing pinag-aaralan nila ang kanilang opsyon para sa City of Dreams Manila.
Isa sa mga tinitingnang posibleng bumili ay ang Belle Corp, ang partner nila sa casino. Pag-aari ng Belle ang lupang kinatatayuan ng COD at may kalahating bahagi sa operasyon nito. Ngunit nitong Marso, nilinaw ng Belle na wala silang balak bilhin ang stake ng Melco, dahil masyado raw mataas ang presyong $1 billion.