Ang isang 65-anyos na lalaki na naglalakad habang hawak ang kanyang bisikleta ay namatay matapos mabundol ng bus sa Antero Soriano Highway, Barangay Makina, Naic, Cavite, noong Martes ng gabi, Mayo 6, 2025.
Kinilala ang biktima na si Nelson Bating, residente ng Timalan Balsahan, Naic. Ayon sa ulat, siya ay tumatawid mula Makina Road patungong Maname Road nang mangyari ang insidente.
Bandang 11:50 ng gabi, mabilis umano ang takbo ng pampasaherong bus na pa-southbound kaya't tumilapon si Bating ng 15 metro mula sa kanyang bisikleta.
Dinala pa siya ng MDRRMC ambulance sa San Lorenzo Hospital pero idinaklara nang patay ng mga doktor pagdating.
Ang driver ng bus na si Hani Jhon Cani, 47-anyos, ay agad dinala sa Naic Police Station para sa imbestigasyon.