Isang motor na may lubid na harang ang naging usap-usapan online matapos itong mapansin sa Em's Barrio, Legazpi City, Albay. Ibinahagi ito ng Parkeserye, isang sikat na Facebook page na nagpo-post ng mga litrato ng mga hindi maayos na paradahan.
Ang motor ay nakaparada sa isang residential area kung saan marami na ring nakahilerang sasakyan. Pero ang kinaiba nito, may harang itong lubid, para bang sinakop na ang parte ng kalsada na dapat ay daanan ng ibang sasakyan.
Marami ang nairita sa nakita at nagkomento ng matitinding banat tulad ng, “Nabili na ba ang kalsada?” at “May titulo na ba sa sidewalk?” May iba pang nagbansag ng “Kamote,” isang tawag sa mga motorista na hindi sumusunod sa tamang asal sa kalsada.
Ang insidente ay muling nagpaalala sa paulit-ulit na problema sa improper parking sa mga kalsada ng Pilipinas. Maraming netizens ang humihiling na sana'y mas maging responsable ang mga motorista at iwasan ang paggamit ng public roads bilang sariling garahe.