
Yumanig ang kabisera ng Ukraine na Kyiv matapos tamaan ng sunod-sunod na ballistic missile attack madaling-araw ng Linggo, dalawang araw bago ang ikaapat na anibersaryo ng pagsalakay ng Russia. Ayon sa mga opisyal, nagsimula ang malalakas na pagsabog bandang alas-4 ng umaga kasunod ng inilabas na air raid alert na kalauna’y pinalawak sa buong bansa dahil sa banta ng mga missile.
Kinumpirma ng pinuno ng military administration ng Kyiv na si Tymur Tkachenko na tinarget ng kalaban ang kabisera gamit ang ballistic weapons, at agad niyang hinikayat ang mga residente na manatili sa mga silungan. Samantala, sinabi ni Mayor Vitali Klitschko na isang babae at isang bata ang isinugod sa ospital matapos masugatan sa mga suburb ng lungsod. Nagdulot din umano ang pag-atake ng sunog sa bubong ng isang residential building habang bumaba sa halos -10°C ang temperatura sa gitna ng emergency response.
Patuloy na hinaharap ng Ukraine ang mas pinaigting na opensiba habang papalapit ang ikaapat na taon ng digmaan na nagsimula noong Pebrero 24, 2022. Sa kabila ng mabibigat na pinsala at pag-okupa ng Russia sa malaking bahagi ng teritoryo, iginiit ni Pangulong Volodymyr Zelensky na ang Ukraine ay “definitely not losing” at nananatiling layunin ang ganap na tagumpay. Ayon sa kanya, may mga naibalik na teritoryo sa mga kamakailang counter-attack, habang nagpapatuloy ang diplomasya sa pagitan ng iba’t ibang bansa upang mahanapan ng resolusyon ang patuloy na krisis.




