
Isang delivery rider ang patay sa lugar habang isa pa ang nasugatan matapos salpukin ng truck na nag-counterflow sa Barangay San Andres, Cainta, nitong Sabado ng gabi, Pebrero 7, pasado alas-8.
Ayon sa mga saksi, bigla umanong lumabas ang truck sa linya para mag-overtake, dahilan upang masalubong nito ang dalawang motorcycle rider. Isa sa mga riders ay kaladkarin ng sasakyan, habang ang isa naman ay nakatalon upang makaiwas sa mas malalang pinsala.
Makikita sa CCTV footage ng barangay na walang kasalubong ang truck bago ito dumiretso sa kabilang linya, kaya direktang tinamaan ang mga riders. Agad namang rumesponde ang Barangay Public Safety Officers (BPSO) upang tulungan ang nasugatan.
Isa sa mga nakasaksi, si Egmedio Patenio, ay nagkuwento na narinig nila ang malakas na banggaan dahil malapit lang ang kanilang outpost. Ayon sa kaniya, isang babae ang nakita sa ilalim ng truck, umiiyak at nakatagilid habang ang paa ay nakalabas sa sasakyan. Agad siyang isinugod sa ospital.
Depensa ng driver ng truck, may karga ang sasakyan kaya nagkaroon ng aksidente, ngunit tumanggi itong magbigay ng karagdagang detalye at sinabi na ipapaliwanag na lamang sa kanilang abogado. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan sa trahedya.




