
Mariing itinanggi ni Manny Villar, negosyante at dating Senate President, ang umano’y ilegal na gawain na iniuugnay sa kanya at sa Villar Land Holdings Corp. kasunod ng reklamong inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC). Ayon kay Villar, wala siyang ginawang hakbang upang ilinlang ang publiko o ang mga mamumuhunan.
Noong Enero 30, naghain ang SEC ng reklamong kriminal laban sa Villar Land at ilang opisyal nito dahil sa mga paratang ng market manipulation, misleading disclosures, at insider trading. Kabilang sa mga nabanggit sa reklamo ang ilang miyembro ng pamilyang Villar, na mariing itinanggi ang mga akusasyon.
Ipinaliwanag ni Villar na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa niya natatanggap ang opisyal na kopya ng reklamo, subalit iginiit niyang ang kanilang kumpanya ay mahigpit na sumusunod sa good corporate governance. Aniya, mahalaga ang matibay na pamantayan ng pamamahala upang mapanatili ang tiwala ng mga investor at ang pangmatagalang paglago ng negosyo.
Binigyang-diin din ng tycoon na mula sa kanyang mapagkumbabang simula sa Divisoria hanggang sa pamumuno sa malalaking negosyo, hindi siya kailanman nasangkot sa panlilinlang sa kostumer o mamumuhunan. Dagdag pa niya, buong-buo ang kanilang pakikipagtulungan sa anumang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Sa huli, tiniyak ni Villar na tutugon sila sa lahat ng alegasyon sa tamang forum at igagalang ang due process. Ayon sa kanya, nananatili ang kanilang paniniwala na mangingibabaw ang hustisya at lilinisin ang kanilang pangalan sa mga paratang na aniya’y walang sapat na batayan.



