
Pansamantalang itinigil ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pag-imprenta ng PhilSys National ID cards dahil sa isyung teknikal sa proseso ng printing. Gayunman, tuloy pa rin ang registration sa Philippine Identification System (PhilSys), at patuloy ang pag-enroll ng mga Pilipino sa pambansang ID system.
Ayon sa PSA, mahigit 90 milyong Pilipino na ang rehistrado at may PhilSys Number, na nagsisilbing natatanging pagkakakilanlan ng isang indibidwal matapos dumaan sa biometric verification. Sa pamamagitan ng numerong ito, maaari nang ma-access at ma-download ang Digital National ID, na kinikilala sa mga transaksyon ng pamahalaan at piling pribadong establisimyento.
Available ang Digital National ID sa pamamagitan ng eGovPH app, habang pinalalawak din ng ahensya ang saklaw ng programa sa mga batang edad 0 hanggang 4 bilang bagong prayoridad. Nilinaw ng PSA na wala pang biometric capture para sa naturang age group, ngunit mahalaga ang maagang pagpaparehistro upang matiyak ang inklusive at maaasahang national ID system para sa lahat.




