
Sa loob ng unang 20 araw ng 2026, matagumpay na naaresto ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang 394 wanted persons sa iba’t ibang lalawigan ng Central Luzon, patunay ng mas pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad at pagtitiyak ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Ayon sa ulat ng pamunuan ng rehiyonal na pulisya, kabilang sa mga naaresto ang 275 Other Wanted Persons (OWP), 52 Most Wanted Persons (MWP), at 67 Top Ten Most Wanted Persons (TTMWP). Ipinapakita ng datos ang malawak na saklaw ng operasyon mula rehiyonal, panlalawigan, hanggang munisipal na antas.
Malaki ang naging ambag ng mga police unit mula sa Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Bataan, Zambales, Aurora, pati na rin sa mga highly urbanized city tulad ng Angeles City at Olongapo City, na sama-samang nagpatupad ng mga warrant of arrest laban sa mga puganteng matagal nang tinutugis.
Pinagtibay pa ang operasyon sa pamamagitan ng tracker teams na nakipag-ugnayan sa intelligence units at local police stations, upang tiyaking walang ligtas na kanlungan ang mga lumalabag sa batas. Ipinapakita nito ang disiplina, tiyaga, at koordinasyon ng kapulisan sa pagpapatupad ng hustisya.
Ang mga tagumpay na ito ay nakaangkla sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO) at sa PNP Focused Agenda, na layong patuloy na palakasin ang law enforcement at panatilihin ang tiwala ng publiko habang isinusulong ang ligtas at maayos na Central Luzon.




